May nag-post po ng paninira sa akin sa Facebook tatlong taon na ang nakakaraan. Maari pa po ba akong magsampa ng kasong cyberlibel laban sa nag-post nito?—Jackie
Dear Jackie,
Kung pagbabasehan ay ang kasong dinesisyunan kamakailan ng Manila Regional Trial Court, ang isang biktima ng cyberlibel ay may 12 taon mula sa pagkakalathala ng mapanirang pahayag upang makapagsampa ng kaso sa piskalya.
Ayon sa desisyon, ang cyberlibel ay isang krimen na pinarurusahan ng isang espesyal na batas - ang Republic Act No. 10175 o Cyberlibel Crime Prevention Act of 2012.
Kapag ang krimen kasi ay pinarurusahan sa ilalim ng isang espesyal na batas, ang magtatakda ng prescriptive period o tagal ng panahon upang makapagsampa ng kaso ay ang Act No. 3326, kung saan nakasaad na may 12 taon ang mga gustong magsampa ng kriminal na kaso na may parusang 6 taon o higit pa, tulad ng cyberlibel.
May mga nagsasabi namang isang taon lamang ang prescriptive period ng mga gustong magreklamo ng cyberlibel. Ayon sa teoryang ito, hindi naman gumawa ng bagong krimen ang Cyberlibel Crime Prevention Act. Kinikilala lamang nito na maaring gawin ang libel sa pamamagitan ng Internet kaya dinadagdagan lamang nito ang depinisyon ng libel na nakasaad na sa Revised Penal Code.
Sa madaling salita, base pa rin sa depinisyon ng libel sa Revised Penal Code ang pagpaparusa sa cyberlibel at ayon sa Revised Penal Code ay mayroon lamang isang taon ang mga gustong magreklamo ng libel bago mapaso ang karapatan nilang makapagsampa ng kaso.
Wala namang makakapigil sa iyo na magsampa ng kaso ng cyberlibel lalo na’t may korte ng naglabas ng desisyon na nagsasabing maaring magsampa ng cyberlibel kahit higit isang taon ng nakakalipas ang krimen. Kailangan mo lang malaman na maaring iba ang maging pagtingin ng ibang piskalya at korte sa nasabing isyu at maari nilang ibasura ang kaso mo sa dahilang higit na sa isang taon ginawa ang mga mapanirang post laban sa iyo.
Hangga’t wala kasing sinasabi ang ating Korte Suprema sa kung ano ba talaga ang prescriptive period sa mga kasong may kinalaman sa cyberlibel ay walang makakapagsabi ng tiyak na sagot sa isyu na iyan." - https://www.affordablecebu.com/