Dahil nga studyante pa, kailangan mong magtipid para makatulong kahit papaano sa magulang.
Ngunit may mga bagay na gusto mong bilhin, na paminsan-minsan ay hindi pa napaglaanan ng badyet ni Nanay.
Paano ka ba makakatipid at makapag-ipon bilang mag-aaral?
1. Mag-ipon Muna Bago Gumastos.
Hatiin ang alawans sa dalawa. Maaaring pantay na hati, 50% tsaka 50%, o kaya'y 10% tsaka 90%. Nasa sa'yo basta't hatiin mo sa dalawa. Unahing itabi at itago ang unang bahagi. Sapagkat ito ay ang iyong magiging ipon. Ang pangalawang bahagi naman, ay ang magiging panggastos mo.
Unahin mo muna ang pinaka importanteng gastos mo sa pang araw-araw na hindi maaaring ipagpaliban. Tulad ng pagkain, pamasahe, at pambili ng materyales sa ano mang takdang aralin o proyekto para sa araw. Hangga't kaya, sikaping ilikom at ipunin ang unang hati sa alawans upang hindi ka matuksong gamitin ito. Saka mo kunin ang ikalawang hati at maging matatag sa pagdedesisyon na yun lang ang gagastusin mo.
2. Iwasang Gumastos sa mga Hindi Importanteng Bagay.
Kung hindi mo naman kailangang bumili ng isang bagay, ay huwag ng bilihin o kaya'y ipagpaliban mo na muna sa panahong kakailanganin mo na ito. O kung kaya'y kung malaki-laki na ang iyong ipon.
Ang stratehiyang ito ay palaging patok sa akin. Tuwing binibigyan ako noon ng aking ama ng singkong pambili ng kung ano-ano lang, titiisin ko munang wag bumili kahit mag-isnaks sa araw na yun. Iipunin ko muna ang pera hanggang ito'y domoble o tromiple sa susunod na mga araw saka ako gagastos para sa gusto kong bilhin. Sa gayun, may ipon na ako, may isnaks pa ako sa araw na iyun.
3. Bawasan ang Pag-Iisnaks.
Kung hindi gutom, sikaping huwag munang mag-isnaks. Pagkakain ng tanghalian, halimbawa, iwasang bumili ng mamahaling malamig na inumin. Kung pwede namang magtubig, ay magtubig nalang. Mainam pa sa iyong kalusugan at badyet.
Mas maigi ring kumain ng mabuti sa bahay tuwing oras ng pagkain bago lumabas nang sagayo'y hindi ka madaling gutumin at mas madaling kang makakaiwas sa pag-iisnaks. Isang stratehiya na pwede gawin ay ang pagpili ng pagkaing mabigat sa tiyan. Tulad ng pagkain ng pagkaing pang-almusal gaya ng kanin na may itlog, hotdog, o tocino.
4. Maglaan ng Pera para sa Kakailanganin.
Ilista ang iyong mga prayoridad o mga kailangan. Kwentahin mo magkano ang aabutin.
Pagkatanggap mo sa alawans ay maglaan ka na ng pera sa bawat isa na nilista mo.
Itabi ang natira at ilagay sa ipon.
Hindi alinsunod ng iba na ang paglalaan ng pera sa bawat isang pangangailangan ay malaking tulong sa pag-kontrol ng iyong gastos at badyet. Marami akong nakikitang nagtitipid ngunit hindi pina-praktis ang paglalaan muna ng pera sa bawa't isang pangangailangan. Kaya ang kalimitang nagiging resulta nito ay ang hindi makakapag-ipon o kaya nama'y na-"sho-short" sa badyet.
5. Magkaroon ng "Money Jars" o Alkansiya.
Ang money jars ay isang stratehiya upang iyong mapag-ipunan ang gusto mong bagay. Sa pamamagitan ng mga garapon na ito, ikaw ay palaging mapapaalalahanan sa mga bagay na gusto mong abutin sa isang tukoy man na panahon o kahit para sa hinaharap.
Kumuha ng hindi kukulang tatlong garapong pantay ang laki. Kung gaano kalaki ang tatlong garapon ay depende sa laki ng halagang iyong iipunin at kung ano'ng perang ilalagay mo sa garapon.
Lagyan mo ng label ang bawat isa ayon sa kung ano ang gusto mong pag-ipunan.
Halimbawa, ang isang garapon ay lalabelan mo ng "Ipon". Ang isa naman ay "Pambili." At ang isa nama'y "Kaarawan."
Sa garapon na lalabelan mo ng "Ipon," doon mo ilalagay ang iyong ipon. Sa garaphon na lalabelan mo ng "Pambili," doon mo ilalagay ang perang laan mo para sa mga bagay na nais mong bilhin. At sa garapon naman ni lalabelan mo ng "Kaarawan" ay ang laan mong "#goals" para sa iyong kaarawan. O kaya namay maglaan ka rin ng garapon para lang sa iyong panggastos at labelan mo ng "Gastos." O kaya'y gawin mong mas nakakatuwa, "Pang-gala" perang laan mo para sa gala.
Noong ako'y gumamit ng "money jars," ang mga label ko ay "Ipon," "Pambili," at "Panggastos." "Ipon" para may ipon ako na hindi magagalaw dahil may nakalaang garapon para sa iba pang bagay. "Pambili," para sa mga nais kong bilhin nang hindi magalaw ang aking ipon para dito, at "Panggastos," para sa nakalaang at kalimitang naka-badyet na na pera para sa mga kailangang gastusan.
Pa unti-unti mo itong lagyan para hindi ka masyadong ma-bigatan sa mga kailangan mong punan.
Kung, halimbawa, ay may pera kang ekstra, na hindi mo na ginastos pambili ng "softdrinks," ihulog mo ito sa "jar" na gusto mong mapunan.
6. Mag-ipon ng Tiyak na Halaga.
Maglaan ng tiyak na halaga galing sa iyong alawans o baon sa isang laan na araw sa loob ng isang linggo. Halimbawa ay mag iipon ka ng singkwenta (50) pesos o isang daang (100) pesos kada Sabado. Pag-ito ay tapat mong susundin kada sabado sa loob ng isang taon, ay meron ka ng humigit kumulang 2,400 pesos sa ipon mong singkwenta (50) at 4,800 pesos sa ipon mong tig iisang daan (100).
Mayroon namang iba na nag-iipon ng tig sisingkwenta pesos na "increment" sa isang taon, na naging kilala sa tawag na "Singkwenta Pesos na Hamon." Naging sikat ito sa internet dahil sa mga tagumpay na natamo ng mga nakiisa sa hamon at naka-ipon ng humigit kumulang 40,000 hanggang 60,000 pesos sa loob ng isang taon.
Ang kailangan mo lang gawin ay mag ipon ng simula sa singkwenta pesos at dagdagan ito ng singkwenta kada linggo hanggang sa umabot ka ng isang taon o 52 na linggo. Kaya lang, nagiging mahirap to sa pagdaan ng panahon kase lumalaki din ang iyong kailangang iipunin kalaunan. Pero kung kaya naman sa badyet at gusto mong hanapan ng paraan upang makompleto ito sa malinis na paraan, ay walang impossible sa taong determinado.
Kung ikaw naman ay medyo nahihirapan dito, dahil nga, studyante pa at limitado pa ang perang mahahawakan galing sa baon o alawans, dagdagan pa ng araw-araw na panggastos, may isa pang stratehiyang pwede mong gawin.
May isang babaeng sumikat sa internet ng dahil sa pag iipon niya ng singkwenta pesos na naging humigit kumulang 42,300 pesos, ayon sa mga artikulong nilathala sa internet, sa loob ng limang buwan lamang.
Ang ginawa niya lang ay inipon lahat ng singkwenta pesos na mahahawakan niya sa pamamagitan ng pagtrato nito bilang "invisible" na. Lahat ng singkwenta pesos na mahahawakan niya ay trinatrato niyang "invisible" dahil dali-dali na itong mapupunta sa ipon. Maging ito'y perang natanggap niya galing sa sukli o sa kung ano-ano pa.
Kung masyadong malaki ang singkwenta pesos para sa iyo, pwede mong simulang gawing "invisible" ang bente pesos. O kaya naman ay lahat ng sampung piso na mahahawakan mo. Hindi mo alam kung magkano ang maiipon mo sa kada bente pesos na itatabi mo na kadalasan ay magagastos lang sa hindi naman masyadong importanteng bagay o bilihin gaya ng palaging pagbibili ng softdrinks o malalamig na inuming mamahalin kung pwede namang tubig sa canteen, drinking fountain, o bahay.
7. Maglakad o Magbisekleta.
Kung ang skwelahan ay malapit lang sa bahay, ay maglaan ng oras para maglakad papuntang skwelahan.
Kung medyu may kalayuan ang skwelahan sa bahay ngunit hindi naman ganoon kalayo, ay magandang gumamit ng bisikleta kung mayroon kayo nito sa bahay na pwede mong gamitin. Ngunit, kung hindi ligtas na maglakad o magbisekleta kahit malapit lang ang skwelahan ay huwag nalang itong gawin. Lalo na kapag gabi na. Laging tandaan unahin ang kaligtasan at huwag itong ipagpawalang bahala.
Noong ako'y nasa "High School" pa, pinipili kong maglakad pauwi ng bahay paminsan-minsan upang makapagtipid ng baon. Pinagsikapan ko kase na malaki ang maipon galing sa aking baon. Epektibo naman dahil naiipon ko ang halagang layun kong ipunin. Pagdating ng mga dalawang linggo, ay minsan bumibili ako ng damit.
8. Mag-"apply" ng Skolarsyip.
Alamin ang mga programang nag-aalay ng skolarsyip sa skwelahan upang makatipid sa "Tuition Fee."
May nakita akong "poster" minsan na nakapaskil sa isang mall ukol sa isang programang nag-aalay ng skolarsyip sa mga papasa sa mga kakailanganin. Dahil ang mall ay pagmamay ari ng may-ari ng skwelahan, pabor ito sa studyanteng gustong makakuha ng karanasan sa pagtatrabaho. Higit pa dyan, may sweldo at alawans na ibibigay. Magandang pangtipid at pangdagdag ng kita habang nag-aaral bilang skolar.
9. Sumali sa mga "extra curricular activities" na Nag-aalay ng Skolarsyip o Bawas sa Matrikula.
Kung ikaw ay may natatanging hilig o talento sa ibang bagay bukod sa aralin sa skwelahan, tulad ng pagtogtog ng instrumento, pagkanta, pagsayaw, pag-arte, pagbabasketball o pagiging atleta ng anong sports, pwede mo itong gamitin para makakuha ng skolarship o kaya'y bawas sa matrikula.
Hindi dapat binabalewala ang iyong mga potensyal, talento at hilig. Kaya, maganda ang pagsali sa mga ito upang masanay ang iba pang kaya mong gawin habang nag-aaral. Magbibigay din ito ng tsansa sa iyo na sumikat gamit ang iyong talento at tyansa na maging matagumpay sa ganitong karero.
Noong ako'y nasa kolehiyo pa, kalimitan akong sumasali sa mga programang may kinalaman sa pagkanta. Tulad ng koro, mang-aawit sa orkestra o kabilang sa isang banda. Nababawasan ang matrikula ko ng 25% hanggang 50% kada semestro at may maliit pa akong alawans na magagamit. Higit sa lahat, naging kilala ako sa skwelahan dahil sa banda ng school namin, nakapag-lakbay sa ibang lugar kung saan may sangay ang skwelahan namin at naranasan ang maging kabilang sa konsyerto ng aming banda. Isang karanasang hindi ko makakalimutan at nakapagdagdag ng kompyansa sa aking pag-awit at pagkatao.
10. Bumili ng Librong "Second Hand"
Imbis na bumili ng bagong libro na kadalasan ay tataas ang presyo taon-taon, ay pwede kang bumili ng luma galing sa mga studyanteng magtatapos o kakatapos lang mag-aral.
O kaya'y pwede kang magrenta ng libro ayun sa mapagkakasunduan niyo.
Kung suswertehin, baka ibigay pa sa iyo ang libro kahit hindi mo na bayaran.
11. Gumawa ng Sariling Kuwaderno o "Notebook"
Kung may mga mumurahing papel ka na makikita sa loob ng bahay, o kaya nama'y malinis na papel na hindi na ginagamit, pwede kang gumawa ng sarili mong kuwaderno. Maglikom ka lang ng malinis na papel, karton, pampadikit at laso, at iyong gupitin, idikit at ilaso ayon sa dikta ng iyong pagkamalikhain, ay makakagawa ka na ng isang magandang notebook.
May kilala akong studyante nagbebenta ng sariling gawa niyang notebook sa halagang singkwenta kada isa. Ang ginawa niya lang ay bumili ng maraming mumurahing papel, mga karton at gumamit ng mga gamit sa bahay at denisinyuhan ito. Nilagyan pa niya ito ng magandang lubid at nagmukha itong "Scrap Book." Maganda ang pagkagawa at maraming bumibili.
Noon yun sa hindi pa uso ang "Youtube" at mga tutoryal na makikita natin sa internet. Ngayon pa, na nagkalat na ang mga malilikhaing alintuntunin ukol sa pag-gawa nito. Seguradong kayang-kayang gawin.
12. Iwasang Gumastos ng Sobra sa Pagkain
Iwasan ang Palaging Pagbili ng "Desserts" o "Softdrinks"
Kung ikaw ay kakain sa labas tuwing tanghalian, o kahit almusal at hapunan, sikapin mong bawasan ang mga dagdag sa pagkain. Katulad ng palaging pag-de-"desserts" o kaya ay pag-inom ng "softdrinks." Hindi lang ito makakatulong sa iyong kalusugan, mainam pa ito sa iyong bulsa. Isipin mong makakatipid ka ng kahit 20-50 pesos araw-araw. Sa isang taon ay aabot din ito ng 5,000 hanggang 13,000. Malaking halaga para sa maliit na sakripisyo. Mayroon ka pang pambili sa ano mang mas importanteng bagay pagdating ng katapusan ng taon.
Piliin ang may "Extra Rice Promo"
Kung ikaw naman ay sadyang mahilig sa "extra rice," mas maiging iyong mamarapatin na kumain sa isang restawran, karenderya, o "fast food" na nagbibigay ng "unlimited rice promo" kung dito ay mas makakatipid ka kaysa sa regolar mo na gastos tuwing kakain.
13. Mag Silbi Bilang "Working Student" sa Skwelahan
Kalimitang may mga programa ang skwelahan na tumatanggap ng trabaho kapalit ay mababa o malaking diskuwento, kung hindi libre, na matrikula sa pag-aaral.
Kailangan mo lang ay mag-"apply" sa programa ng skwelahan upang masuri kung ikaw ay karapat-dapat sa oportunidad.
Kung ikaw ay papasa na, alalahaning kailangan mong mapamahalaan ng mabuti ang iyong oras at panahon sa pag-aaral at pag-gawa ng mga takdang aralin at proyekto upang hindi mapag-iwanan ang iyong pag-aaral. Ang pagiging masipag, mabait at madaling sumunod sa utos ang siyang magiging lakas mo upang magtagumpay dito.
14. Planuhin ang Iyong Gastos
Unahing planuhin ang iyong gastos sa araw-araw o sa buong linggo.
Magkano ba ang iyong baon o alawans sa araw-araw/buong linggo? Ano-ano ba ang iyon mga alituntunin na kailangang gastusan sa buong linggo?
Kung makakapagpasya ka na sa iyong gastos, sikaping unahing ipunin kung ano ang ekstra na matitira sa iyong alawans at itabi ang laan mo sa pang-araw araw na gastos. Sa ganitong paraan masesegurado mong ang iyong ekstra ay iyong maiipon agad at makaiwas sa tukso sa pag-gasta nito ng walang puwang. Matututo ka ring pamahalaan at kontrolin ang daloy ng iyong pera at sundin ang iyong plano sa buong linggo. Isang bagay na magagamit mo pagdating sa hinaharap.
15. Disiplinahin ang Sarili.
Ang pagdidisiplina sa sarili ukol sa iyong paggasta ng pera ang isa sa pinaka-importanteng kasanayan sa buhay na kailangan mong matutunan upang mas madali mo ng pamahalaan ang malalaking pang bagay at responsibilidad na darating iyong hinaharap. Pag hindi ka marunong humawak ng pera, ito ay makaka-apekto sa kaledad ng buhay na iyong tatamasin.
Kung hindi ka marunong magtipid, masasayang ang iyong pinaghirapan sa mga bagay na maaaring walang katuturan. Mga bagay na akala mo'y kaunti at mura lang, nguni't malaking halagi rin kung iyong kukwentahin ang sumatotal ng iyong gastos sa loob ng mahaba-habang panahon. Ang akala mong maliit na bagay ay malaking puwang din sa iyong kita balang araw.
Kung hindi ka naman marunong magpalago ng pera ay hindi rin dodoble ang pinaghirapan mo. Kaya kailangan din magmasid at matuto sa mga stratehiyang mas makakatulong kung papaano mo masasamantala ang salaping hawak mo.
Konklusyon
Maraming paraan sa pagtitipid ng gastusin at pag-iipon ng pera. Ano man ang mga ito, ang kailangan mo lang ay magmasid, at mag-isip ng stratehiyang mag-aalay sa iyo ng oportunidad na samantalahin ang kung anong mapagkukunang nasa iyong mga kamay. Higit sa lahat, disiplina sa sarili upang itoy tuntunin ng matagumpay at makita ang resulta ng iyong pagtitipid at pag-iipon.
Kaya, kailan ka magsisimula? Magplano na!
- https://www.affordablecebu.com/