--- SIMULA ---
Hindi natin maikakaila na ang ating bansa, maging ang buong mundo ay sadyang nagbago, nagbabago at patuloy na magbabago. Isa sa mga bagay na nasa likod ng mga pagbabagong ito ay ang teknolohiya. Teknolohiyang nagmulat sa bawat indibidwal na masilayan ang kagandahan ng daigdig; bagay na nagbigay buhay sa mga bagay-bagay sa paligid at nagpuno ng kakulangan sa kapos sa kaalaman. Sa kabila ng lahat ng ito, ano nga ba ang tunay na katangian ng teknolohiyang ito - ito ba'y sagot sa sigalot na sa atin ay bumabalot o ito mismo ang sigalot na sa atin ay bumubuntot?
Nakatutuwang isipin na sa henerasyon ng mga kabataang hindi nalalayo sa edad ko ay sadyang napalago na ang uri at pamamaraan ng pamumuhay, at naganap ang lahat ng iyon sa pamamagitan ng teknolohiya. Minsan naisip ko tuloy, ano kaya ang itsura ng mundong aking ginagalawan kung hindi nabuo ang konsepto ng teknolohiya, sa kabilang banda, ano naman kaya ang kakalabasan ng mga susunod pang henerasyon kung magpapatuloy ang papapaunlad ng teknolohiya?
Inaamin kong hindi sapat ang aking kaalaman para sagutin ang lahat ng katanungang bumabagabag sa aking isipan pero makasisiguro naman akong isa akong ganap na tao na may kakayahang magbigay ng konklusyon gamit ang ilan sa mga ideyang nakakalat sa paligid - patuloy na lumulutang sa hangin at naghihintay na damputin ng mga taong sabik sa kaalaman. Narito ang ilan sa mga balangkas ng katauhang gumagamit ng teknolohiya na patuloy na nakaaapekto sa tao sa pagdaan ng panahon.
Sa kamay ng matatalinong indibidwal... Tulad ni Alexander Graham Bell na nakaimbento ng telepono, isa ang teknolohiya sa mga tumulong sa kaniya upang matupad ang mga bagay na kaniyang minimithi - ang linangin ang isipan upang makatulong sa pagpapaunlad ng daigdig na kaniyang ginagalawan. Sino nga ba ang makakaisip na maiimbento ang isang teleponong magiging daan para sa isang komunikasyon.
Sa kasalukuyang panahon, sino ba ang hindi nakakaalam ng isa pa sa mga sikat na imbensyon, ang Computer. Bagay na nagpadali ng buhay ng mga mag-aaral na katulad ko. Ayon nga sa mga nakakatanda, kung dati raw ay aabutin ka ng maghapon sa library ng paaralan upang hanapin ang kahulugan ng mga leksyon, ngayon nariyan sa bawat kanto ng ng Metro Manila hindi lang sa urban maging sa rural areas ang mga "Internet Cafe". Sa isang pindo lang, nasa harap mo na agad ang hinahanap mo. Maliban pa sa sobrang bilis na proseso ng paghahanap ng leksyon, nariyan pa ang printer upang solusyunan ang problema sa matagal na pagsusulat ng mga takdang aralin. Click lang ng click ay makukuha mo na ang isang mabilis na proseso ng paggawa.
Kung isang matalinong indibidwal nga naman ang gagamit ng teknolohiya, siguradong malayo ang mararating ng ating bansa. Malaki ang maitutulong nito upang umunlad at patuloy na mapadali ang proseso ng modernisasyon na siyang magdadala sa bawat tao sa tiyak na tagumpay.
Sa kamay ng mga hunghang... Matapos ng pagkakaimbento ni Graham Bell, nariyan naman ang pagkakaimbento ng 'cellular phone' o tinatawag ng nakararaming 'cellphone'. Kung ang teknolohiyang ito ay nakatutulong sa mga matatalinong indibidwal, ano naman kaya ang naidudulot nito sa mga hunghang na indibidwal na may mga makikitid, marumi at malabong pag-iisip?
Hindi natin maikakaila na sa pag-usad ng modernong teknolohiya, kaakibat nito ang maling paggamit. Isa na rito ang paggamit sa immoral o mahalay na pamamaraan. Ayon sa mga kolumnista sa internet, nagsimula noong dekada nobenta sa telepono ang tinatawag ng mga mal-edukadong nilalang na "Sex on Phone", kilala sa tawag na 'SOP'. Hindi ko lubos maisip na sa isang linya ng telepono ay nagaganap ang isang 'di kaaya-ayang aktibidad ng dalawang nilalang, mapa-lalaki, babae at maging ang ikatlong kasarian na naghahanap ng panandaliang kaligayahan. Hanggang sa kalaunan ay ginawa na sa 'cellphone'.
Tulad nga ng aking nabanggit, habang tumatagal ay patuloy na nagiging moderno ang takbo ng buhay. Dahil dito, siguradong hindi magpapatalo ang mga hunghang na indibidwal. Sa pagkakaimbento ng computer. Dahil naipakalat na ng mga hunghang ang ideya tungkol sa SOP ay siguradong palalawakin na naman ito gamit ang computer. Napatunayan na ng ilan sa mga awtoridad na isa sa mga nagiging modus ng mga taong walang magawa sa buhay ang gumagawa ng kalaswaan gamit ang makabagong teknolohiya kaugnay sa computer. Nariyan na ang paggamit ng'webacam' kung saan may tinatawag na 'show-on' ang mga customers na nagbibigay aliw sa mga ka-'chat' o sinumang kaugnay ng makabagong pamamaraan ng komunikasyon. Kaya naman, ang gawaing ito ay nagreresulta sa tinatawag nilang 'cyber-sex'.
Totoong nakagugulat pero ito ang realidad. Realidad kung saan makikita ang itinatago ng mababango at malilinis na opisyal na nakaupo isang malamig at preskong silid. Hayy... Ngayon masasabi ko na talagang hindi lang ang mga taong naghahanap ng kaligayahan o tawag ng laman ang mga hunghang kundi pati na rin ang nagpapatakbo ng magulong mundo na ating kinagagalawan.
Sa kabilang banda, hindi lamang tao ang naapektuhan sa maling paggamit ng teknolohiya. Napatunayan na rin sa 'documentary movie' na 'inconvenient truth' na isa ang modernong mundo sa mga magiging dahilan ng pagkasira ng mundo sa hinharap dahil sa tinatawag na 'global warming'. Dahil ang teknolohiya ay kaakibat ng modernong mundo, isa na rin ito sa pangunahing dahilan ng unti-unting pagkawasak ng daigdig.
Dahil sa mga naiimbentong kagamitan gamit ang teknolohiya, maraming substansya ang naipoprodus ng modernisasyon. Nariyan ang mga halimbawa ng 'chloroflouro-carbon' o CFC na nagmumula sa air-conditioner, refrigerators at iba pang mga kagamitan.
Ang mga tao ay nagiging 'hunghang dahilan ng maling paggamit ng teknolohiya at patuloy silang magiging ganito hanggang hindi nila nakikita ang magiging kahihinatnan ng unti-unting paggawa ng ikasasama. Kailangan pa bang humantong ang mundo sa tuluyang pagawasak bago pa magising ang mga hunghang sa kanilang mga ginagawa? Matapos maapektuhan ang moralidad ng isang indibidwal dahil sa kagagawan ng mga hunghang ay hahayaaan pa ba nilang pati ang kalikasan ay maapektuhan?
Sa kamay ng matatalinong hunghang... Mahirap mang unawain ang mga salitang matatalinong hunghang, dapat pa rin nating paniwalaan na kung may mga taong matatlino at hunghang, tiyak ay meron ding nabubuhay sa mundong ibabaw na matatalinong hunghang.
Isang magandang halimbawa dito ang mga mag-aaral sa elementarya, lalung-lalo na sa sekundarya at ganoon din sa kolehiyo. Ayon sa nakararaming kaguruan sa bansa, ang mga mag-aaral ay tunay na matatalino ngunit magkakaiba lamang ng lebel ng katalinuhan. Ang katalinuhang ito ang nagpapatakbo ng ating isipan na nagreresulta ng ating pagkilos.
Paano nga ba nagiging hunghang ang mga matatalinong ito kapag ang pinag-uusapan na ay ang paggamit ng teknolohiya?
Kung papasukin mo ang bawat 'internet cafe' na nakakalat sa bawat sulok ng bansa, makikita mo sa loob nito ang mga mag-aaral na sadyang nahuhumaling sa paggamit ng makabagong teknolohiya. May ilan sa kanila na hindi na pumapasok para lamang masunod ang layon ng isip. Sila ay may nalalaman tungkol sa tama at mali, kaya masasabing matlino, ngunit hindi alam ang tunay na layon ng buhay kaya matatawag na hunghang.
Hindi lang sa computer napatutunayan na nagagamit ang teknolohiya ng mga matatalinong hunghang. Nariyan din ang cellphone bilang kasangkapan sa napakaraming modus. Modus na ginamitan ng malalim na pagpaplano. Ang mga taong gumagawa nito ay matatawag na matatalino sapagkat sila naman ay nagtataglay ng 'entrepreneurial skills' ngunit matatawag din namang hunghang dahil hindi nila alama ang kaniyang patutunguhan.
Dahil sa iba't ibang mukha ng mga gumagamit ng teknolohiya, ang teknolohiya mismo ay nagkakaroon din ng iba't ibang kaanyuan. Kaya naman, nasa sa atin pa rin ang kasagutan kung ang teknolohiya ba ay isang sagot sa sigalot na sa atin ay bumabalot o ito ay isang sigalot na sa atin ay bumubunto. Bakit? Dahil nasa sa ating mga kamay ito kung tayo bay magiging isang matalinong nilalang, isang hunghang na indibidwal o kaya naman ay isa sa mga matatalinong hunghang. Kahit sabihin nating ang teknolohiya ay mananatiling teknolohiya kahit ano ang mangyayari, magbabag at magbabago pa rin ito depende sa taong humahawak ng teknolohiyang pinaunlad, pinapaunlad at patuloy na uunlad habang tumatakbo ang panahaon.
--- WAKAS ---
- https://www.affordablecebu.com/