Home » Articles » Philippine Government

Kodigo sa Pagkamamamayan at Kagandahang Asal ni Quezon

Ito ay Code of Ethics ni Manuel Quezon in Tagalog version.
 
 
Kodigo sa Pagkamamamayan at Kagandahang Asal ni Quezon
(Quezon's Code of Citizenship and Ethics Filipino Version)
PALASYO NG MALACAÑANG
MAYNILA

INILAGDA NG PANGULO NG PILIPINAS

ATAS TAGAPAGPAGANAP BLG. 217

PAGTATAKDA NG MGA SIMULAIN NG PAGKAMAMAMAYAN AT KAGANDAHANG ASAL, NA ITUTURO SA LAHAT NG MGA PAARALAN SA PILIPINAS

SAPAGKAT, itinatadhana ng Seksiyon 5 ng Artikulo XIII ng Konstitusyon na magiging layunin ng lahat ng mga paaralan na linangin ang kagandahang asal, disiplina sa sarili, isang konsiyensiyang makamamamayan at ituro ang mga tungkulin ng pagkamamamayan;

SAPAGKAT, upang makasunod sa itinatadhana ng Konstitusyon na binabanggit sa itaas, kailangang magpatibay ng isang Kodigo ng Pagkamamamayan at Kagandahang Asal na ituturo sa lahat ng mga paaralan;

SAPAGKAT, habang binabalangkas ang nasabing kodigo ng isang Lupon na kumakatawan sa iba't ibang sektor ng pamayanan at habang hinihintay ang pagpapatibay nito, mahalagang kagyat na magsagawa ng hakbang ang mga paaralan upang maisakatuparan ang mandato ng konstitusyon alinsunod dito;

NGAYON, SAMAKATWID, ako, si MANUEL L. QUEZON, Pangulo ng Pilipinas, sa bisa ng kapangyarihang kaloob sa akin ng Konstitusyon, ay nagtatagubilin sa Kalihim ng Pagtuturong Publiko na dapat maisagawa sa lahat ng mga paaralan ang pagtuturo ng mga sumusunod na mga simulain ng pagkamamamayan at kagandahang-asal na binalangkas ng mga kilalang mga indibiduwal:

1. Magtiwala ka sa Diyos na namamatnubay sa kapalaran ng mga tao at mga bansa.

2. Mahalin mo ang iyong bayan sapagkat ito ang iyong tahanan, pinagmumulan ng iyong pagmamahal at bukal ng iyong kaligayahan at pagiging tao. Ang pagtatanggol sa bayan ang pangunahin mong tungkulin. Maging handa sa lahat ng oras na magpakasakit at ialay ang buhay kung kinakailangan.

3. Igalang mo ang Saligang-Batas na nagpapahayag ng makapangyarihang kalooban. Itinatag ang Saligang-Batas para sa iyong kaligtasan at sariling kapakanan. Sundin ang mga batas at tiyaking sinusunod ito ng lahat ng mamamayan at tumutupad sa kanilang tungkulin ang mga pinuno ng bayan.

4. Kusang magbayad ng mga buwis at maging maluwag sa kalooban ang maagap na pagbabayad nito. Alalahaning ang pagkamamamayan ay hindi lamang mga karapatan ang taglay kung hindi maging mga pananagutan din.

5. Panatilihing malinis ang mga halalan at sumunod sa pasya ng nakararami.

6. Mahalin at igalang ang iyong mga magulang. Paglingkuran mo silang mabuti at pasalamatan.

7. Pahalagahan mo ang iyong karangalan gaya ng pagpapahalaga mo sa iyong buhay. Ang karalitaang may dangal ay higit na mahalaga kaysa sa yamang walang karangalan.

8. Maging matapat sa pag-iisip at sa gawa. Maging makatarungan at mapagkawanggawa, ngunit marangal sa pakikitungo sa kapuwa.

9. Mamuhay nang malinis at walang pag-aaksaya. Huwag maging maluho at mapagkunwari. Maging simple sa pananamit at kumilos nang maayos.

10. Mamuhay na gaya ng inaasahan sa iyo ng marangal na tradisyon ng ating lahi. Igalang ang alaala ng ating mga bayani. Ang kanilang buhay ay halimbawa ng daan tungo sa tungkulin at karangalan.

11. Maging masipag, huwag ikatakot o ikahiya ang pagbabanat ng buto. Ang pagiging masipag ay daan tungo sa isang matatag na kabuhayan at dagdag sa yaman ng bansa.

12. Umasa sa iyong kakayahan sa pag-unlad at kaligayahan. Huwag agad mawawalan ng pag-asa. Magsikap upang makamit ang katuparan ng iyong mga layunin.

13, Gampanang maluwag sa kalooban ang iyong mga tungkulin. Ang gawaing hindi maayos ay higit na masama sa gawaing hindi tinapos. Huwag ipagpabukas ang gawaing maaari mong gawin ngayon.

14. Tumulong sa kagalingan ng iyong pamayanan at palaganapin ang katarungang panlipunan. Hindi ka nabubuhay na nag-iisa kapiling ang iyong mag-anak lamang. Bahagi ka ng isang lipunang pinagkakautangan ng pananagutan.

15. Ugaliin ang pagtangkilik sa sariling atin at sa mga kalakal na gawa rito sa atin.

16. Gamitin at linangin ang ating likas na yaman at pangalagaan ito para sa susunod na salinlahi. Ang mga kayamanang ito ang minana pa natin sa ating mga ninuno. Huwag mong gawing kalakal ang iyong pagkamamamayan.

Inilagda sa Lungsod ng Maynila, ngayong ika-19 ng Agosto sa taon ng Ating Panginoon, labinsiyam at tatlumpu't siyam, sa Komonwelt ng Pilipinas, ang Ikaapat.

MANUEL L. QUEZON
Pangulo ng Pilipinas

Para sa Pangulo:

JORGE B. VARGAS
Kalihim ng Pangulo - https://www.affordablecebu.com/
 

Please support us in writing articles like this by sharing this post

Share this post to your Facebook, Twitter, Blog, or any social media site. In this way, we will be motivated to write articles you like.

--- NOTICE ---
If you want to use this article or any of the content of this website, please credit our website (www.affordablecebu.com) and mention the source link (URL) of the content, images, videos or other media of our website.

"Kodigo sa Pagkamamamayan at Kagandahang Asal ni Quezon" was written by Mary under the Philippine Government category. It has been read 24155 times and generated 0 comments. The article was created on and updated on 26 August 2011.
Total comments : 0