Sinabihan po kami ng aming kompanya kamakailan na magpapatupad na sila ng rotation ng pagpasok ng mga empleyado upang maiwasan daw po ang tuluyang pagkalugi ng negosyo. Dahil dito, lalabas na tatlong araw lang kada linggo ang magiging pasok namin kaya mababawasan ang aming sinasahod. Tama po ba na gawin nila ito? – Edith
Dear Edith,
May batayan naman sa batas ang gagawing “rotation” sa inyong kompanya. Kailangan nga lang sumunod ng employer sa ilang panuntunan sa pagpapatupad ng mga tinatawag na “alternative work schemes” na katulad ng rotation sa pagpasok na gustong mangyari ng inyong kompanya.
Ayon sa Labor Advisory No. 17-2020 ng Department of Labor and Employment (DOLE), kailangang mag-submit ng report sa regional office ng DOLE na may saklaw sa establisemento.
Laman ng report na ito ang alternative work scheme na ipatutupad at ang pangalan ng mga empleyadong maapektuhan nito. Kailangang maipasa sa DOLE ang report na ito pitong (7) araw bago ipatupad ang alternative work scheme.
Kailangan ding tandaan na pansamantala lang dapat ang rotation sa pagpasok sa trabaho na gustong ipatupad sa inyo. Dahil bunsod lang naman ito sa krisis na kasalukuyang kinakaharap ng kompanya, hindi dapat tatagal sa 6 na buwan ang pagpapatupad ng mga alternative work schemes para sa mga empleyado.
Inilabas ng DOLE ang mga panuntuan na ito upang hikayatin ang mga negosyong kasalukuyang nakakaranas ng pagkalugi dahil sa pandemya na magpatupad na lang ng mga alternative work scheme na katulad ng mangyayaring rotation sa inyo imbes na magsara at maging dahilan ng tuluyang pagkawala ng hanapbuhay para sa mga empleyado." - https://www.affordablecebu.com/